naisip ko na hindi ko man lang naibahagi dito sa digital diary ko ang karanasan ko sa pagsusulat ng thesis. minsan, sa isang matagal na siglo na ang nakaraan ay sumulat at gumawa ako ng thesis dahil pangangailangan iyon upang makapagtapos sa kolehiyo ko. iyon na siguro ang isa sa mga pinakamahirap na pinagdaanan ko sa buhay ko. Ang pagsulat kasi ng aming thesis ay may madugong nakaraan. Nabiyayaan kami ng guro na hindi alam ang ginagawa niya ngunit makikita mo naman na may puso siyang makatulong, ngunit sawimpalad na hindi sapat iyon kung kaya't kailangan naming magsariling sikap upang mabuno ang mga pagkukulang na meron ang aming paaralan. may 2 bahagi ang aming thesis, isa ay ang pagsulat ng papeles o dokumento na siyang magiging sandigan ng aming produkto na maaring isang website, isang interactive flash game, isang 3D na aktibidad. Ang aking napiling gawin ay ang Carbon Footprint Calculator na maaring gamitin ng mga bata. Nangangailangan ng masusing pagsagap ng impormasyon at mga kaisipan upang mabuo ang papel na bahagi ng aming thesis. Ngunit ang mas mahirap na yugto para sa akin ay ang pagbuo ng concepto at pagddrawing ng mga kakailanganing materyals upang mabuo ko ang kahihitnatnan na produkto ko. At ang pinakamahirap na yugto sa akin ay ang pag co-codes ng aking thesis dahil ang napakasaklap na katotohanan ay hindi ako natulungan at hindi ako matulungan ng aking thesis adviser ukol dito sa napakasimpleng dahilan na hindi niya rin alam ang dapat gawin. napakasaklap na pakiramdam ng walang sandigan, na hindi mo alam kung paano gagawin ang isang bagay dahil inaasahan ito sayo ngunit kahit kailan ay hindi naman talaga naituro. Napaksaklap na may inaasahan silang produkto mula sayo kung gayon namang kulang sa gabay sa proseso.
hindi ko rin makakalimutan ang karanasan ko sa pagtulong sa isang kaibigan ukol sa kanyang thesis. pakiramdam ko ay 2 beses akong gumawa ng thesis dahil matapos kong tapusin ang akin ay tumulong naman ako na bumuo ng concepto, papel, mismong produkto at idagdag pa diyan ang pagpupursige sa kaibigan ko na kayang naming gawin iyon, na makakapasa siya at matatapos din kami. medyo mabigat sa kalooban nung mga panahon na iyon na hindi lang sarili mo ang kailangan mong himukin kundi siya din, idagdag mo pa na hindi kayo matutulog at wala ka pang tulog dahil galing ka rin sa pagtapos ng iyong sariling thesis.
ngunit sa kadulo-duluhan ng lahat napakasarap sa pakiramdam na hindi lang isa kundi siguro apat ang aking natulungang kamag-aral ukol sa kanilang thesis. masarap isipin na naging bahagi ka ng pagbuo nuon, na nakatulong ka sa kapwa mo at nakapagbigay ka ng kontribusyon sa pagtatapos nila.
Sa kabuuan nito hinding hindi ko makakalimutan ang mga taong nakatulong sa akin upang mabuo ito, si Justine para sa suporta at tulong na itinulong niya sa akin. Si Regg na gumawa ng mga codes na aking pinagaralan at inilapat sa aking mga produkto. Si Fran na walang sawang umaalo sa mga luha at walang hanggang hindi-kasiguraduhan ko sa sarili ko at sa proseso. Ang aking mga magulang, kapatid at mga kaklase na sumuporta sa akin.
isang hindi makakalimutang karanasan na nakapagpatunay ng tibay ng aking loob. isang patunay sa kasabihang "you can achieve whatever you set your mind to".